Mitolohiya ng Iceland
MITOLOHIYA NG ICELAND
Panitikan: "Sina Thor at Loki sa Lupain ng mga Higante"
Ang MITOLOHIYA ay isang natatanging kuwento na kadalasang tumatalakay sa kultura, sa mga diyos o bathala at ang kanilang karanasan sa pakikisalamuha sa mga tao. Maaaring nagsimula ang mitolohiya mula nang magtanong ang mga tao tungkol sa pagkakalikha ng mundo at ano ang kanilang tungkulin dito. Mahalaga ang mitolohiya dahil nakapaloob dito ang mga sinaunang paniniwalang panrelihiyon at kultura ng isang bansa at kapupulutan din ito ng aral.
Ang blog na ito ay tumatalakay patungkol sa sa mitolohiya ng bansang Iceland. Ang Iceland ay kabilang sa mga lahing Nordic na matatagpuan sa Hilagang Europa. Ang mga Eskandinaba ay mga lahi na nagsasalita ng Germanic Languages (Norse). Kabilang dito ang Sweden, Norway, Denmark, Finland, Greenland, Faroe Island at Iceland. Pinaniniwalaan na ang unang mga nanirahan sa Iceland noong ika-9 na siglo ay ang mga “Papar” o mga Irish monks. Nang umalis ang mga papar, nag-iwan ang mga ito ng mga libro na naging basehan ng mga akdang pampanitikan ng bansang Iceland. Sunod na nanirahan ang mga Norse sa pangunguna ni Naddador at tinawag itong “Snow land” dahil kasalukuyang may niyebe nang sila ay nakarating. Ang pangalang Iceland ay ibinigay ng sumunod na nanirahan sa isla na si Flóki Vilgerðarson isang Viking. Pinangalanan niya itong Iceland dahil sa nakita niyang mga iceberg o malalaking tipak ng yelo.
Ang mitolohiyang Norse ay nagmula sa lahing Eskandinaba na nagsimula noong panahon ng mga Viking na nanirahan noon sa Iceland. Hindi nailathala ng mga Viking ang kanilang mitolohiya dahil ito ay pasalitang ipinapasa sa pamamagitan ng pagkukuwento lamang kung kaya naman maraming bahagi ng mitolohiyang Norse ang hindi nabigyang linaw.
Dahil walang nakalimbag na mga kalipunan ng mga tula, awit at mga kuwento ng mga diyos at diyosa ang mga Viking, si Snorri Sturlurson ay lumikha ng isang akda na pinamagatang Prose Edda o mas kilala bilang Edda na siyang kinapapalooban ng mga kuwento ng mga diyos at diyosa. Ito ang nagbigay anyo sa mitolohiyang Norse. Dahil sa Edda, mas nakilala ng mundo ang kultura ng mga Viking at ang kanilang mga paniniwala.
Ang madalas na tema ng mitolohiyang Norse ay ang paglalakbay ng mga diyos at ang pakikipaglaban nila sa mga higante na mahigpit na kalaban ng mga diyos.
Ilan sa mga kilalang diyos ng mitolohiyang Norse ay si Odin, ang pinuno ng mga diyos sa Asgard na tahanan ng mga diyos at diyosa. Ang pinakatanyag na diyos ng mitolohiyang Norse na si Thor ang diyos ng kidlat na siya ring pinakamalakas na diyos. At si Loki, ang mapanlinlang na diyos. Ilan lang sila sa mga diyos at diyosa ng mitolohiyang Norse na makikilala mo sa ating tatalakayin.
"Sina Thor at Loki sa Lupain ng mga Higante"
https://brainly.ph/question/971741 |
- Ang pagsusuri ay isang kasanayan na siyang nagbibigay-buhay at diwa sa isang likhang sining. Sa panunuri ng isang akdang pampanitikan, naipapakita ang pagpapahalaga at pagbibigay puri sa akda at pamumuna sa kahinaan nito. Sa pamamagitan ng panunuri, lumilitaw ang mga mensahe na hindi gaanong lantad sa akda na siyang makatutulong sa mga mambabasa upang mas maunawaan ang akda, at mas mabigyang pagpapahalaga ang kultura ng lugar kung saan ito nagmula.
- Kinakailangang maging patas sa panunuri upang mas lumitaw ang bisa, kagandahan, at kahinaan ng isang akda na siyang magiging tulay sa mas malawak at komprehensibong pag-unawa sa nilalaman ng isang akdang pampanitikan.
- Upang maging sistematiko ang panunuri ng isang mitolohiya, kinakailangang bigyang puna ang mga elemento ng mitolohiya batay sa kahinaan at kalakasan nito. Mahalagang naunawaan mo ang iyong binasa upang ikaw ay makasuri. Mainam din ang paghahambing nito sa iba pang mitolohiya upang mas mapalabas ang mensahe ng akda at ang kultura ng lugar na pinagmulan nito.
- Ang mga tauhan sa mitolohiya ay kadalasang mga diyos at diyosa na kinikilala at sinasamba ng mga tao dahil sa taglay na kakaibang lakas at kapangyarihan.
- Suriin ang pangunahing tauhan batay sa kaniyang pisikal na anyo, ugali, paraan ng pananalita, at kung paano siya nakisalamuha sa iba pang mga tauhan sa kuwento.
- Maaaring gawing batayan ang mga diyalogo ng mga tauhan upang malaman ang pangunahing ideya o paksa na nais iparating ng tauhan sa akda. Makatutulong rin ang mga linya o diyalogo upang mapalabas ang damdamin ng tauhan na nagsasalita sa susuriing akda.
- Bigyang pansin rin ang tungkuling ginampanan ng tauhan sa kabuoan ng kuwento.
- Bigyang-puna ang mga naging kalakasan at kahinaan ng tauhan na nakaapekto sa kaniyang suliranin sa kuwento.
- Tandaan: Ang ganda at bisa ng isang akda ay nakasalalay sa paglalarawan at pagbibigay-buhay sa mga karakter ng kuwento kung kaya naman mahalagang maunawaan ang mga ikinilos at ginampanan ng tauhan upang mas maunawaan ang mensahe ng akda.
- Mahalagang maunawaan mo ang ginampanan ng tagpuan na nakaapekto sa kalagayan ng tauhan sa kuwento.
- Ilarawan ang lugar batay sa pisikal na anyo nito, mga kilos at gawi ng mga tao o nilalang na naninirahan dito. (Mahalaga na may kaalaman ka sa kultura ng mga taong naninirahan sa bansang pinagmulan ng binasang akda dahil may kaugnayan ito sa tagpuan ng kuwentong binasa).
- Bigyang-puna ang kasiningan ng paglalarawan ng may-akda sa tagpuan.
- Alamin kung ano ang mga naging tuon ng mga pangyayari sa akda. Tukuyin ang pangunahing suliranin na siyang dinanas ng tauhan sa mitolohiya.
- Suriin ito na may pagpapaliwanag sa naging kahalagahan ng pagkakaayos ng mga pangyayari sa kuwento.
- Bigyang puna kung papaano sinimulan at winakasan ang mitolohiya. Mas mainam kung bigyang pagpapaliwanag ang mga natatanging mga pangyayari sa kuwento batay sa bisa at kahalagahan nito at kung papaano ito maaaring maihambing sa totoong buhay.
- Suriin kung ano ang tema ng binasang mitolohiya batay sa kung ano ang naging tuon nito.
- Bigyang paliwanag ang mga aral ng kuwento, maging ang mga hindi kanais-nais na mga pag-uugali ng mga tauhan upang makatulong sa mas malalim na pagpapakahulugan sa mitolohiya.
- Mainam na magbigay repleksyon sa bisa at kahalagahan ng mensahe at aral ng akda sa kung papaano ito nakaapekto sa iyong sarili at lipunan.
- Ang pangunahing tauhan sa akda. Batay sa kuwento, siya ang pinakamalakas na diyos. Isa sa kaniyang katangian ay ang pagiging magagalitin. Matipuno ang kaniyang pangangatawan.
- Ang diyos na mapanlinlang. Siya ay may angking galing sa pabilisan ng pagkain. Kinakitaan rin siya ng pagmamataas sa kuwento.
- Isang mortal na naging alagad ni Thor. Taglay niya ang husay at bilis sa pagtakbo.
- Ang hari ng mga higante na may taglay na mahika na kayang lumikha ng mga ilusyon.
- Isang higante na tumulong sa grupo nina Thor na siya ring balat-kayo ni Utgard-Loki.
- Ipinakita sa kuwento ang katangian ng mga Viking sa pamamagitan ni Thor. Taglay ni Thor ang pagiging matapang at pagiging palaban ng mga Viking. Kung ihahambing ang tauhang si Thor sa ibang mitolohiya, halimbawa sa mitolohiya ng bansang Greece, napakatipikal na ang tema o ang mga tauhan ay nagtataglay ng kakaibang lakas at husay. Malaki ang ginampanan ng tauhang si Thor sa akda dahil bukod sa kaniya umikot halos ang buong kuwento, nagkaroon tayo ng ideya kung ano ang kultura ng mga Eskandinaba o Vikings noong unang panahon.
- Bago magpunta sina Thor sa kaharian ni Utgard-Loki, siya muna ay dumaan at nanuluyan sa tahanan nina Thjalfi. Ipinapakita lang nito ang paggalang at takot ng mga sinaunang tao sa mga pinaniniwalaan nilang diyos at diyosa. Kung ihahambing ito sa mga mitolohiya sa buong daigdig, kadalasang naipapakit ang debosyon at pagkatakot ng mga mortal sa mga diyos at diyosa bilang paggalang sa kanila. Sa kaharian naman ni Utgard-Loki, mas naipakita ang pagiging palaban ng mga Viking sa anomang mga laban. Sinalamin ng mga diyos at nang mga paligsahan ang katangian ng mga Viking. Nakatulong ang tagpuan ng kuwento upang palitawin ang natatanging katangian ng mga taga-Iceland.
- Maayos ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa kuwento. Malinaw ang pagkakalahad ng mga pangyayari at malaki ang tulong ng mga diyalogo sa kuwento upang mas maunawaan ang paksa. Tahasang naipakita ng mitolohiya ang pagiging palaban ng mga diyos ng Norse. Kung ihahambing ito sa ibang mitolohiya, may pagkakatulad ito sa kuwento ni Hercules sa mitolohiyang Greece na kung saan dumanas ng mga pagsubok at hamon ang tauhan na kalaunan ay naglalaman pala ng mga pandaraya. Ang kaibahan nga lamang, naipakita sa mitolohiyang Norse na maging ang mga diyos ay naiisahan rin ng kanilang mga katunggali. Malinaw na nailahad ang suliranin ng mitolohiya sa tulong ng maayos na pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari.
- Ipinamalas ng mitolohiya ang natatanging ugali na dapat iwasan nating mga tao. Una ay ang pagiging mapusok at emosyonal tuwing tayo ay nagagalit na siyang nagiging dahilan upang maging padalos-dalos sa ating mga disisyon. Pangalawa ay ang pagiging mapagmalaki natin sa angkin nating mga talento. Madalas, masyadong lumalaki ang ating mga ulo dahil na rin sa mga papuri na natatanggap natin mula sa ibang tao. At panghuli, ipinakita ng kuwento ang pagiging mapanlinlang at mapanlamang ng mga tao. Ipinakita sa katauhan ni Utgard-Loki ang tipikal na tao na upang magtagumpay, gumagawa ng mga paraan upang hindi magtagumpay ang kaniyang kapwa. Nais tayong turuan ng mitolohiya na magtiwala sa ating sariling mga kakayahan. Tulad na lamang ni Hercules sa mitolohiyang Greece. Ipinamalas niya ang kaniyang lakas at ang pagiging matatag sa lahat ng pagsubok. Higit sa lahat, nagtiwala siya sa kaniyang sariling kakayahan. Sabi nga sa kasabihan na ang kapatid ng magnanakaw ay ang mandaraya dahil nagagawa nating hilahin pababa ang isang tao.
- Sa kabuuan, masasabi kong mahalaga ang mitolohiya upang hubugin ang ugali ng isang indibidwal. Bagama’t sa kasalukuyan, hindi na tayo gaanong naniniwala sa mga diyos at diyosa, malaki ang naiaambag ng pagbabasa ng mga mito upang mahubog ang kagandahang-asal sa isang indibidwal. Kapana-panabik rin ang tagpo at bukod pa rito, maaaring maiugnay ang ilang mahahalagang mga kaganapan mula sa mito sa totoong buhay. Kung kaya naman, mahalagang pag-aralan ang mitolohiya upang di lamang matuto sa kultura ng ilang bansa kundi mahubog ang mga wastong pag-uugali ng isang indibidwal.
Lubos na Mahusay! Ang galing mo! Binabati kita sa matiyaga mong pagsama sa pagtalakay sa paksang binibigyan diin sa blog na ito. Alam kong nakapapagod maglakbay ngunit sulit naman dahil matagumpay mong natutuhan ang mga dapat mong malaman sa Mitolohiya ng Iceland at kung paano susuriin ang akdang mitolohiya.
- https://znnhs.zdnorte.net/wp-content/uploads/2021/01/filipino10_q2_mod1_guantero-at-banga_mitolohiya_v2_16.pdf
- https://www.youtube.com/watch?v-gm3SXPap1U4
Comments
Post a Comment