Dula: Sintahang Romeo at Juliet
DULA MULA SA ENGLAND
Panitikan: "Sintahang Romeo at Juliet"
Kumusta mag-aaral? Binabati kita’t naging kawili-wili para sayo ang pagkatuto sa aking ibang blog na binuo. Ngayon, isa na namang kaalaman ang tiyak kong kalulugdan mong tutuklasin dahil sa mga kawili-wiling paksang nakapaloob sa blog na ito.
Ito ay tatalakayin natin ang "Uri ng Dula Ayon sa Anyo at Elemento ng Dulang Pantanghalan" at alamin ang isa sa mga halimbawa ng dula ang "Sintahang Romeo at Juliet" na nagmula pa sa bansang Englatera.
ALAM MO BA?
Ang DULA ay hango sa salitang Griyego na “drama” na nangangahulugang
gawain o kilos. Ayon kay Aristotle ay isang sining ng panggagaya at pag-iimita sa kalikasan ng buhay. Ipinapakita dito ang realidad ng buhay ng tao gayundin ang kanyang mga iniisip, ikinikilos, at isinasaad. Ito ay isinusulat at itinatanghal upang magsilbing salamin ng buhay na naglalayong makaaliw, makapagturo, o makapagbigay ng mensahe.
Ang dula ay isang sining na nagpapaabot sa mga manonood o mga mambabasa ng damdamin at kaisipang nais nitong iparating gamit ang masining na pagsasatao ng mga karakter ng dulang pantanghalan. Ito ay maaring mauri ayon sa paksa o nilalaman. Nagkaroon din ito ng iba’t ibang anyo batay sa damdaming nais palitawin ng may-akda nito. Ang epekto ng damdaming taglay ng dula ay nagdudulot ng higit na kulay at kahulugan hindi lamang sa mga manonood kundi maging sa mga taong gumaganap nito.
MGA URI NG DULA AYON SA ANYO
1. Komedya- Katawa-tawa, magaan ang mga paksa o tema at ang mga tauhan ay laging nagtatagumpay sa wakas.
2. Trahedya
- Ang tema o paksa nito’y mabigat o nakasasama ng loob, nakaiiyak, nakalulunos ang mga tauhang karaniwang nasasadlak sa kamalasan, mabibigat na suliranin, kabiguan, kawalan at maging sa kamatayan.
- Ito ay sadyang namimiga ng luha sa mga manonood na para bang wala nang masayang bahagi ng buhay kundi pawang problema at kaawa-awang kalagayan na lamang ang nangyayari sa araw-araw. Ito ay karaniwang napapanood sa mga di-seryeng palabas sa telebisyon.
- Sa ayong ito ng dula, magkahalo ang katatawanan at kasawian kung saan may mga tauhang katawa-tawa tulad ng payaso para magsilbing tagapagpatawa, ngunit sa huli’y nagiging malungkot dahil sa kasawian o kabiguan.
- Itinuturing na isa sa mga dulang panlibangan ng mga huling taon ng pananakop ng mga Espanyol sa Pilipinas. Ang paksa nito ay tungkol sa paglalahad ng mga kaugalian ng isang lahi o katutubo, sa kanyang pamumuhay, pag-ibig, at pakikipagkapwa. Isang halimbawa nito ang La India Elegante Y Negrito Amante ni Francisco Baltazar na isa sa mga nakaaaliw na libangang saynete sa panahon ng Espanyol.
- Dulang puro tawanan at halos walang saysay ang kwento. Ang mga aksyon ay slapstick na walang ibang ginawa kundi magpaluan, maghampasan at magbitiw ng mga kabalbalan. Karaniwan itong mapapanood sa mga comedy bar.
- Anyo ng dulang mapanudyo, ginagaya ang mga kakatwang ayos, kilos, pagsasalita, at pag-uugali ng tao bilang isang anyo ng komentaryo o pamumuna o kaya’y pambabatikos na katawa-tawa ngunit may tama sa damdamin ng kinauukulan.
- Kapag ang isang dula ay may pamagat na hango sa mga bukambibig na salawikain, ang kwento’y pinaiikot dito upang magsilbing huwaran ng kanyang tao sa buhay.
MGA ELEMENTO NG DULANG PANTANGHALAN
Ang DULANG PANTANGHALAN ay katulad ng maikling kuwento at nobela ay nagtataglay rin ng mahahalagang sangkap o elemento. Ito ang mga sumusunod:
1. KATAWAN:
- Kung ang katawan ng tao ay may bahagi, ang dulang pantanghalan ay nagtataglay rin ng mahahalagang bahagi. Ito ay ang simula, gitna at katapusan:
1. Simula
- Dito matatagpuan ang dalawang mahahalagang sangkap o elemento ng isang dula, ang tauhan at tagpuan. Sa bahaging ito, makikilala ang mga tauhan at mga papel na kanilang gagampanan na maaring bida at kontrabida. Ipinakilala rin dito ang tagpuan o ang panyayarihan ng mga eksena.
2. Gitna
- Sa bahaging ito naman makikita ang banghay o ang maayos na daloy o pagkakasunod- sunod ng mga tagpo o eksena. Dito rin nakapaloob ang pinakamahalagang bahagi ng dula, walang iba kundi ang diyalogo.
- Ang DIYALOGO ay usapan ng mga tauhan.
- Kagaya rin ng sa nobela, sa gitna rin ng dula makikita ang mga sumusunod na katangian:
- Ang saglit na kasiglahan na magpapakita ng panandaliang pagtatagpo ng mga tauhang masasangkot sa problema.
- Ang tunggalian na tahasan nang nagpapakita ng labanan o pakikibaka ng tanging tauhang maaaring sa kanyang sarili, sa kapwa o sa kalikasan.
- At ang panghuli ay ang kasukdulan, pinakamadulang bahagi ng dula kung saan iikot ang kahinatnan ng tanging tauhan, kung ito ay kasawian o tagumpay.
3. Wakas
- Dito matatagpuan ang kakalasan at ang wakas ng dula. Sa kakalasan, unti-unting bababa ang takbo ng istorya. Sa kakalasan makikita ang kamalian o kawastuhan at pagkalag sa mga bahaging dapat kalagin. Sa wakas naman mababatid ang resolusyon na maaring masaya o malungkot, pagkapanalo o pagkatalo.
- May mga dulang hindi winakasan ng dalawang huling sangkap. Iniwan na lamang itong bitin sa kasukdulan at hinahayaan na lamang ang mga mambabasa o manonood na humatol o magpasiya sa dapat na kahihinatnan. Mapanghamon ang ganitong wakas sa isip ng mga mambabasa o manonood.
- Ito ang pinakakaluluwa ng isang dula. Ang lahat ng bagay na isinasaalang-alang sa dula at nararapat na naaayon sa isang iskrip.
3. GUMAGANAP O AKTOR
- Sila ang nagsasabuhay sa mga tauhan sa iskrip. Sila ang nagbibigay ng dayalogo, nagpapakita ng iba’t ibang damdamin at pinapanood na tauhan sa dula.
4. TANGHALAN
- Anomang pook na pinagpasyahang pagtanghalan ng isang dula ay tinatawag na tanghalan. Tanghalan din ang tawag sa kalsadang pinagtatanghalan ng isang dula o silid na pinagtanghalan ng mga mag-aaral sa kanilang klase.
5. TAGADIREHE O DIREKTOR
- Siya ang nagpapakahulugan sa iskrip. Siya ang nagpapasya sa hitsura ng tagpuan, ng damit ng mga tauhan, hanggang sa paraan ng pagganap at pagbigkas ng mga tauhan ay dumedepende sa interpretasyon ng director sa iskrip.
6. MANONOOD
- Hindi maituturing na dula ang isang binansagang pagtatanghal kung hindi ito mapapanood ng ibang tao.
- Ang huling elemento ng dulang pantanghalan na sadyang mahalaga. Sapagkat ang mahalagang bahagi nito ang epektong pantunog dahil ang dula ay ginaganap sa harap ng madla, kaya’t kailangang malinaw na maipahatid ang bawat linya ng dula sa pamamagitan ng maayos na tunog sa pagtatanghal. Kasama na rin dito ang sound effects, musika at iba pang kaugnay na tunog sa pagtatanghal.
- Ang isa pang mahalagang aspektong teknikal sa dula ay ang PAG-IILAW upang higit na mabigyang buhay ang mahahalagang tagpo ng dula. Kabilang din sa aspektong teknikal ang iba pang kagamitang higit na magbibigay buhay at pagkamakatotohanan sa itinanghal na dula.
Dahil sa ang dula ay isang sining, ang bawat bahagi nito ay mainam na pinag-aaralan ng may-akda at maging ng direktor nito. Hindi ito basta-basta isinusulat at sa halip ito ay pinag-aralan batay sa balangkas nito- kung saan ang mga bahagi ay malinaw na nahahati sa yugto (act) , tanghal- eksena (scene) at tagpo (frame).
8. YUGTO
- Ang yugto kumbaga sa nobela ay ang kabanata. Ito ang malaking hati ng dula. Ang isang dula ay maaring magkaroon ng isang yugto lamang, dalawa o tatlo, apat o higit pa.
- Sa tanghalan, ang bawat yugto ay maaring gamiting panahon upang ihanda ang susunod pang mga yugto, upang ayusin ang tagpuan, upang makapagpahinga sumandali ang mga tagapagsiganap at ang mga manonood. Ang pasumandaling pamamamahingang ito ay maaring tumagal hanggang labinlimang minute na nagagamit din ng mga tagapanood upang maisagawa ang personal na pangangailangan tulad ng pagkain o pag-inom.
9. EKSENA
- Ang bawat yugto naman ay binubuo ng kung ilang eksena, kaya ang panahong nagugugol sa isang yugto ay hindi pare-pareho. Maaring ang unang yugto ng isang dulang may tatlong yugto ay bubuuin ng pitong eksenang maaring tumagal ng tatlumpong minuto. Gayundin sa ikatlong yugto, ang bilang ng eksena ay iba rin at ang panahon ay maaring magtagal o sandali rin.
10. TAGPO
- Kung ang yugto ay binubuo ng mga eksena, ang eksena naman ay binubuo ng mga tagpo. Ang eksena ay maaring magbadya ng pagbabago ng tagpuan ayon sa kung saan gaganapin ang susunod na pangyayari. Ang tagpo rin ay ang paglabas at pagpasok ng kung sinong tauhang gumanap o gaganap sa eksena.
TUKLASIN NATIN
Handa ka na bang basahin ang dulang "Sintahang Romeo at Juliet" na isinulat ng isang tanyag na manunulat na si William Shakespeare at isinalin sa Filipino ni Gregorio C. Borlaza. Kung handa na, hali na at tuklsin ang nakakatanging dula ng Englatera.
Sintahang Romeo at Juliet
Isinalin ni Gregorio C. Borlaza
Muling isinalaysay ni A.A. Apilado
Sina Romeo at Juliet ay galing sa magkalabang angkan. Si Romeo ay galing sa angkan ng mga Montague samantalang si Juliet naman ay sa angkan ng mga Capulet. Subalit sa kabila ng hidwaan sa kanilang mga angkan ay nabihag ng pag-ibig ang puso ng binata at dalaga.
Nagsimula ang pag-iibigan nina Romeo at Juliet dahil sa isang pagtitipong inihanda ng mga Capulet. Dumalo rito si Romeo nang hindi inaasahan at sa sayawan niya nasilayan ang kagandahang taglay ni Juliet. Simula noong nakita ni Romeo si Juliet ay umibig na ang binata sa kaniya, ganoon din ang naging tugon ng dalaga. Nakita ni Tybalt si Romeo sa pagtitipon at siya ay nagalit dito. Gusto niyang patayin si Romeo subalit pinigil siya ng kanyang tiyuhin. Doon lamang napagtanto ni Romeo na si Juliet ay isang Capulet. Hindi lingid sa kaalaman nina Romeo at Juliet ang hidwaan sa kanilang mga pamilya kaya nakaramdam si Romeo ng pagdadalamhati sa kanyang nalaman. Nagpalitan ang dalawa ng kanilang pangungusap at hinalikan ni Romeo si Juliet. Sa kabila ng ganitong kalaking hadlang sa kanilang pagmamahalan ay hindi natinag ang dalawa sa hangaring sila’y magkasama. Nagplano ang dalawa na muling magkita at doon ay gagawin nila ang kanilang pag-iisang dibdib. Gagawin nila ang planong ito sa araw ng kasal ni Juliet kay Paris na ipinagkasundo lamang ng kaniyang mga magulang upang kaniyang mapangasawa. Humingi sila ng tulong ng Padre at ito naman ay malugod na tumugon. Ramdam ng Padre ang wagas na pagmamahalan nina Romeo at Juliet kaya pinayuhan niya si Juliet ng kaniyang gagawin. Plinano ng Padre na pumayag siyang pakasal kay Paris subalit sa araw ng kasal ay iinumin niya ang ibinigay na alak ni Padre. Epekto nito’y titigil sa pagtibok ang puso ni Juliet at animo’y patay at magiging ganoon ang kalagayan sa loob ng apatnapu’t dalawang oras. Si Juliet ay nagbihis nang magarang kasuotan pagkatapos ay nahiga. Nakita siya ng nars sa anyong iyon at siya’y nagsisisigaw sa pag-aakalang si Juliet ay patay na.
Sa kabilang banda, inutusan ni Padre si Juan na ibigay ang liham kay Romeo na naglalaman ng kanilang balak subalit sa kasamaang palad ay hindi ito nakarating kay Romeo at hindi nabatid ang balak ng Padre at ni Juliet. Ibinalita ni Baltazar kay Romeo ang kasawiang sinapit ni Juliet, sinabi niya rito na si Juliet ay patay na at nakahimlay sa tumba ni Capel. Agad niyang tinungo ay nasabing lugar at nakita niya si Juliet sa anyo ng kamatayan kaya naghanap siya ng lasong kikitil sa kaniyang buhay. Bumili siya ng lason sa isang butikaryo, kahit pa na ito ay ipinagbabawal, pinilit ni Romeo ang butikaryo na siya ay pagbilhan. Ininom ni Romeo ang lason at siya ay namatay sa tabi ni Juliet. Nang magising si Juliet ay labis ang kaniyang hinagpis na nadama nang makitang patay ang kaniyang pinakamamahal na Romeo kaya kumuha siya ng punyal at sinaksak ang kaniyang sarili.
SURIIN NATIN
Muli mong kilalanin ang mga tauhan ng Romeo at Juliet at alamin anong uri ng dula mayroon ang kwentong ito.
Ang Romeo at Juliet ay isang dulang isinulat ni William Shakespeare tungkol
sa dalawang maharlikang mga angkan na nagkaroon ng alitan kung kaya’t
naging magkaaway. Nakabatay ang balangkas ng dulang ito sa isang kuwento
mula sa Italya na isinaling wika upang maging taludtod bilang “The Tragical
History of Romeus and Juliet” (Ang Kalunos-lunos na Kasaysayan nina
Romeus at Julieta) ni Arthur Brooke noong 1562 at muling isinalaysay na
nasa anyong tuluyan o prosa sa Palace of Pleasure (Palasyo ng Kaluguran) ni
William Painter noong 1567.
MGA TAUHAN NG SINTAHANG ROMEO AT JULIET
1. Romeo
- Binatang nasa edad 16, matalino at may pagpapahalaga sa damdamin ng iba. na kasintahan ni Juliet. Isang mapagmahal na binata, ang anak ng Pamilyang Montague.
2. Juliet
- Ang kasintahan ni Romeo. Isang mapagmahal na dalaga, ang anak ng pamilyang Capulet.
3. Padre Lawrence
- Ang pari na nagkasal sa dalawang nagmamahalan na si Romeo at Juliet. Ang paring handang tumulong sa dalawang nagmamahalan.
4. Mercutio
- Pinsan ni Romeo na namatay dahil sa pakikipagduwelo kay Tybal.
5. Benvolio
- Pinsan at malapit na kaibigan ni Romeo.
6. Nars
- Ang nag-alaga kay Juliet simula pagkabata. Tinulungan niya ang magkasintahan na ayusin ang sikretong kasal ng mga ito.
7. Tybalt
- Pamangkin ni Gng. Capulet at pinsa ni Juliet. Itinuring na matalik na kaibigan ng nars. Mainitin ang ulo at madalas gumagawa ng gulo.
8. Lord Capulet
- Ama ni Juliet. Mayaman subalit mas mababa ang kanyang kalagayan sa Prisipe ay kay Paris.
9. Lord Montague
- Ama ni Romeo. Tahimik, mapagtimpi at taong may dignidad. Ang kanyang estado ay katulad kay Ginoong Capulet.
10. Lady Capulet
- Ina ni Juliet. Mas bata ng maraming taon sa asawa nitong si Ginoong Capulet.
11. Lady Montague
- Ina ni Romeo. Mapagmahal na asawa . Wala siyang ibang ginawa kundi pagbawalan ang kanyang asawa na makipaglaban.
12. Prinsipe Escalus
- Namumuno sa isang Estado sa Italya. Makapangyarihan.
13. Paris
- Malapit na kamag-anak ng prinsipe. Makisig at napa-ibig kay Juliet kaya ninais niyang pakasalan ito.
URI NG DULA ANG SINTAHANG ROMEO AT JULIET
Trahedya
- Ang dula ay tungkol sa magkasintahang labis ang pagmamahal sa isa’t isa. Sila ay kapwa nagmula sa maharlikang angkan na nagkaroon ng alitan. Dahil dito naging hadlang sa pag-ibig sa isa’t isa ang sigalot sa pagitan ng kanilang mga pamilya kaya’t humantong sa trahedya ang kanilang pag-iibigan.
ISAISIP
MGA DAPAT TANDAAN SA PAKSANG ITO
Ngayong natapos mo na ang mga paksang tumatalakay sa blog na ito, ano ang mahahalagang kaalaman na dapat mong tandaan?
- Ang dula ayon kay Aristotle ay isang sining ng panggagaya at pag-iimita sa kalikasan ng buhay. Ipinapakita dito ang realidad ng buhay ng tao gayundin ang kanyang mga iniisip, ikinikilos, at isinasaad. Ito ay isinusulat at itinatanghal upang magsilbing salamin ng buhay na naglalayong makaaliw, makapagturo, o makapagbigay ng mensahe.
- Mga uri ng dula ayon sa Anyo ay ang sumusunod: Komedya, Trahedya, Melodrama, Tragikomedya, Saynete, Parsa, Parodya, at Proberbyo.
- Napag-aralan din natin ang mga elemento ng dulang pantanghalan ang katawan, iskrip, gumaganap o aktor, tangahalan, tagadirehe o direktor, manood, aspetong teknikal, yugto, eksena, at tagpo.
- Nilakbay natin ang bansang Englatera at inalam ang mga kultura dito sa pamamagitan ng pagbasa natin sa dulang Sintahang Romeo at Juliet.
- Ang dulang ito ay nasabi nating isang dulang trahedya dahil nagwawakas ito na namamatay ang mga pangunahing tauhan.
- Isang layunin ng may akda na ipakita ang kadalisayan ng tunay at wagas na pag-ibig sa pagitan ng dalawang taong nagmamahalan. Ipinakikita rin ng may akda ang magiging bunga kung ang isang tao o mga tao ay walang ganap na pag-intindi sa mga bagay-bagay. Ang kanilang kamatayan ang naging bunga ng hidwaang walang tigil sa pagitan ng dalawang pamilya.
Malugod na pagbati para sa matiyaga mong pag-aaral sa paskang ito. Kung may mga bahagi ng aralin na hindi pa rin malinaw sa iyo, maaari mo itong balikan o itanong sa akin sa pamamagitan ng paghabilin ng tanong sa comment seksyon upang lalo mo itong maunawaan.
MGA SANGGUNIAN
- https://depedtambayan.net/wp-content/uploads/2021/11/Filipino10_Q2_Mod2_Dula-mula-sa-England-UK_ver2.pdf
- http://thebestnotes.com/booknotes/romeo_and_juliet_shakespeare/Romeo_And_Juliet_Study_Guide09.html
Comments
Post a Comment