Ang Aking Pag-ibig: Tulang Pandamdamin Mula sa England
ANG AKING PAG-IBIG
Tulang Pandamdamin Mula sa England
Magandang araw, mga mag-aaral. Lubos ang aking galak narito na naman kayo sa aking blog upang makapulot ng bagong aral. Binabati kita sa masipag mong pag-aaral.
Ang blog na ito ay naglalaman ng akdang “Ang Aking Pag-ibig” mula sa Italy
na isinalin sa Filipino ni Alfonso O. Santiago. Bahagi rin ng blog na ito ay ang pagtatalakay
sa kahalagahan ng angkop at mabisang paggamit ng matatalinghagang
pananalita sa pag-unawa sa tula na tatalakayin gayon din ang paraan ng
paglalarawan nito.
ALAM MO BA?
Ang TULA ay isang anyo ng sining o panitikan na naglalayong maipahayag
ang damdamin sa malayang pagsusulat. Mababasa sa mga tula ang mga
kaisipang naglalarawan ng kagandahan, kariktan at kadakilaan.
May apat na pangkalahatang uri ang tula: tulang pandamdamin o tulang
liriko, tulang pasalaysay, tulang padula at patnigan.
Ang SONETO na iyong binasa ay nasa anyo ng tulang pandamdamin o
tulang liriko. Ito ay may tiyak na sukat at tugma na kailangang isaalang-alang.
Binubuo ito ng labing-apat na taludtod at sampung pantig sa bawat taludtod.
TUKLASIN NATIN
Tunghayan natin ang tulang liriko ng tanyag na manunulat na si Elizabeth Barret Browning ng England (hango sa Sonnet 43).
"Ang Aking Pag-ibig"
How Do I Love Thee-Sonnet XLIII
Ni Elizabeth Barret Browning
Isinalin sa Filipino ni Alfonso O. Santiago
Ibig mong mabatid, ibig mong malaman
Kung paano kita pinakamamahal?
Tuturan kong lahat ang mga paraan,
Iisa-isahin, ikaw ang bumilang.
Iniibig kita nang buong taimtim,
Sa tayog at saklaw ay walang
kahambing,
Lipad ng kaluluwang ibig na marating
Ang dulo ng hindi maubos-isipin.
Yaring pag-ibig ko’y katugon, kabagay
Ng kailangan mong kaliit-liitan,
Laging nakahandang pag-utus-utusan,
Maging sa liwanag, maging sa karimlan.
Kasinlaya ito ng mga lalaking
Dahil sa katwira’y hindi paaapi,
Kasingwagas ito ng mga bayaning
Marunong umingos sa mga papuri.
Pag-ibig ko’y isang matinding
damdamin,
Tulad ng lumbay kong di makayang
bathin
Noong ako’y isang musmos pa sa turing
Na ang pananalig ay di masusupil.
Yaring pag-ibig ko, ang nakakabagay
Ay ang pag-ibig ko sa maraming banal,
Na nang mangawala ay parang
nanamlay
Sa pagkabigo ko at panghihinayang.
Yaring pag-ibig ko ay siyang lahat na,
Ngiti, luha, buhay at aking hininga!
At kung sa Diyos naman na ipagtalaga
Malibing ma’y lalong iibigin kita.
SURIIN NATIN
ELEMENTO NG TULA
1. Sukat
- Ito ay bilang ng pantig sa bawat taludtod.
2. Tugma
- Ito ang pagkakahawig o pagkakapareho ng tunog ng huling salita sa bawat saknong.
3. Tono
- Ito naman ang namamayaning damdamin sa loob ng tula.
4. Simbolismo
- Ito ay mga makabuluhang salita na nagpapasidhi sa guniguni ng mga mambabasa.
5. Talinghaga
- Ito’y matatayog na diwang ipinahihiwatig ng makata.
6. Paksa
- Ito ang tema ng tula tumutukoy kung tungkol saan ang isang tula o kaisipan ng buong tula. Ito ay maaring tungkol sa pag-ibig, nasyonalismo, kabayanihan, kalayaan, katarungan , pagmamahal sa kalikasan, Diyos, bayan, sa kapwa at marami pang iba.
7. Kariktan
- Ang kariktan ang tumutukoy sa paggamit ng matatalinghagang salita, mga salitang may malalalim na ibig ipakahulugan at mga tayutay tulad ng pagwawangis, pagtutulad at iba pa.
- Ang matatalinghagang pahayag ay may malalim o hindi tiyak na kahulugan. Sinasalamin ng paggamit nito ang kagandahan at pagkamalikhain ng isang tula. Isa sa madalas na gamiting talinghaga ang pagpapahayag nang patayutay o tayutay.
- Ang TAYUTAY ay nagbibigay ng mabisang kahulugan upang maging maganda at makulay at kaakit-akit ang pagpapahayag sa isang tula. Tamang gamit ng mga salita at pagkakabuo ng mga pangungusap na sasabayan ng matatalinghagang pahayag na magpapaganda sa isang tula.
MGA URI NG TAYUTAY
1. Pagtutulad o simile
- Ito ay isang paghahambing sa dalawang magkaibang tao, bagay, pangyayari atbp. Gumagamit ang pagtutulad ng mga salitang tulad ng, katulad ng, parang, kawangis ng, anaki’y, animo, at iba pa.
2. Pagwawangis o metapora
- Ito ay katulad ng pagtutulad, naghahambing ng dalawang bagay ngunit tuwiran ang ginagawang paghahambing.
3. Pagmamalabis o hyperbole
- Pagpapalabis sa normal upang bigyan ng kaigtingan ang nais ipahayag.
4. Pagtatao o personipikasyon
- Paglilipat ng katangian ng isang tao sa mga walang buhay.
ISAISIP
MGA DAPAT TANDAAN SA PAKSANG ITO
1. Ang tula ay isang anyo ng sining o panitikan na naglalayong
maipahayag ang damdamin sa malayang pagsusulat.
2. May apat na pangkalahatang uri ang tula: tulang pandamdamin
o tulang liriko, tulang pasalaysay, tulang padula at patnigan.
3. May apat na uri ng tayutay ang tinalakay sa blog na ito;
pagtutulad o simile, pagwawangis o metapora, pagmamalabis o hyperbole at pagtatao
o personipikasyon.
4. Sa pagsulat ng tula ay dapat magsanib ang gramatika at retorika upang maging maganda ang isang katha.
Binabati kita! Sa wakas ay natapos mo pag-aral ang paksang
tinalakay sa araw na ito. Bukas ay bagong kaalaman na naman ang matututuhan mo.
Muli kong aasahan ang iyong masipag na pag-aaral.
MGA SANGGUNIAN
- https://www.coursehero.com/file/78209558/Fil10-Q2-Mod3-Ang-Aking-Pagibig-v3pdf/
- https://youtu.be/mvHRwfPuBA8
Comments
Post a Comment